kay sadiri:
aking usbong:
alay-tula
ni roy v. aragon
ikaw ang natupad na pangako
sa kuhanan ng kuha, sa paglagda
sa isa't-isa ng di magkamalay,
di namalayang ngayon. ikaw ang sumpa
ng paglaya, ikaw ang hangganan
ng dalawang pangarap, ikaw
ang sukdulan ng mga pamamaalam.
ay, at sadyang totoo: ang pagdatal
ng iyong ngiti ay isinisiwalat ang mga lihim
ng kahapon, at ang itinatago
ng bukas. at aking itatanong
sa tubig, sa lupa, sa apoy: bakit
may pag-ibig? bakit may nagpaibig?
may tanong ang bawat tapak ng maliliit
mo pang yapak, sa liwaliw ng mga masinsin
mo pang hakbang: saan ka kaya pupunta? saan
ka rin kaya papunta? hahanapin
mo rin kaya ang pag-ibig
sa ilalim ng mga kusot na kumot
at ng mga nalawayang unan?
sinasalat ko minsan sa mga sulok
ng aking mata ang katotohanan at
doo'y aking nadarama
ang himas ng kalyo
ng tuyong dahon, at ang haplos
ng iyong malambot na kabuaan
nang kalungin kita
noong ikaw'y bagong silang.
ay, at tinatawa ko rin ang iyong tawang
maliit, niluluha ko rin ang iyong luhang
maliit at aking sinisilip
sa pagitan ng mga pangako
ang buhay na sumpa ng katulad ding
sumpang natupad na ngunit
hindi pa rin natutupad-tupad,
subalit isang pangakong mananatiling
buhay sa iyo, sa ating dalawa.