ang hindi
mo masabi
ni roy v. aragon
hindi mo eksaktong masasabi
sa akin kung bakit
ang mga halinghing
ay hindi gawa sa kahoy o bakal
ngunit sa papel,
kung bakit ang mga halik
ay gawa sa tubig at hindi
sa hangin.
hindi mo masabi
kung paanong tumatarak
ang ilang balaraw
o kung paanong ang mga sugat
ay naghihilom.
hindi mo mabigkas
ang isang kabiguan
o ng isang tagumpay.
hindi mo masabi
ang kahulugan ng mga nababaling
lapis o kaya'y ang ipinapahiwatig
ng mga tumutulong gripo.
hindi mo matapat na mabibilang
kung ilang beses na dapat
dumatal ang ating mga pagsikat ng buwan,
o kung ilang paraan dapat
na ubusin natin ang ating mga umaga.
ni hindi mo masabi sa akin
ang tungkol sa mga bulaklak at araw.
ang masasabi mo lang sa akin
ay kung bakit ang mga hardin ay luntian,
o kung bakit ang mga gabi ay itim
at kung bakit ang ating balat ay kayumanggi
at kung bakit ang ating laman ay pula.