paglalaba
ni lorna salvosa agpay
Ayaw ko na sanang balikan
duming matagal na ring
nakababad sa timba,
ayaw ko na sanang ni sulyapan
ang mantsang kaybaba
ayaw kong hawakan, ayaw kong lapitan...
Ngunit kagabi sa lilim ng buwan,
hinarap ko ang timba,
mata'y balong ng luha
kinusot nang kinusot
sinabon ng luha
bumula nang bumula,
pinipilit takpan ng bawat bula,
at ng bawat luha ang mga salitang
hindi ko nawika
at dahil nagtago ang araw,
sa sinag ako'y pinagdamotan,
kayat ipinakula ko sa dugo ng Maykapal
pinabanlawan, pinabanlawan,
at itinapon sa kung saan
ang tubig ng panghihinayang
hanggang sa pumuti,
at tuluyang natakpan
ang mantsa mo, hirang.