tatsulok na pag-ibig
ni jorgina delfin
Bakit kaya
Kung kelan pumaimbabaw
Itong abang tubig
Sa abuhing alapaap
Ay saka naman nagtago
Itong haring araw
Sa ibang kandungan
Gayung siya ang lumigaw,
At nagsuyo
Sa lupang tahanan
Ng sinimsim na tubig
Mula sa batis
sa lawa
at dagat.
Kung bakit
Nang umakyat
Ang inakit na tubig
Ay saka naman
Tumakas
Itong palalong araw
At ipinangkin
Sa maginoong ulap
Ang palingap
At pagiingat
Sa kanyang
Nililiyag.
Ngunit
Dahil hindi
Naman dalisay
Ang pagibig ng ulap,
Hindi nakayanan
Ang hirap na hatid
Ng liyag,
Kay raming tanong,
Pagsakit,
Kayhirap.
Bakit di niya maari
Ang mga titig?
Bakit
Ang bawat pintig
Ng puso
Ay iba ang ibig?
Ang takbo ng isip
Ay hindi rin malirip?
Ah kaybigat dalhin
Sa kandungan
Ang pagibig
Na sa iba ang alay.
Kayat
Di man nais,
Binitawan ng ulap
Ang liyag na tubig.
Pagkat di niya maari
Ang kanyang pagibig
At ibinalik sa lupang tahanan
At umulan
Ng kaylakas.